Google, Magnanakaw, ATBP
[ 1 Komento - Google, Magnanakaw, ATBP ] Pumutak si Miko Reznor noong 11.14.2005 6:37 NH
Talagang naaaliw ako tuwing tinitingnan ko ang log ng mga bisita ng Putak. Kakaunti nga lang ang pumupunta araw-araw pero hindi ko naman ito masyadong pinagkakalat kaya hindi ako nababahala. Natutuwa lang ako sa mga keywords na tina-type ng mga tao sa Google para makapunta rito:
taong sikat sa pagbabasa
masahe
masahista
amihan enkantadia
kapuso blog
almuranas
Iilan lamang iyon sa mga nakita ko. At biruin nyo, pag iyon ang inilagay sa Google, ang Putak ay nasa unang pahina o malapit na. Heheh. Kung gugustuhin ko, pwede ko ring gawin na ang Putak ang pinaka-unang ililista. Bwahahahah! 
Pero hindi ko gagawin iyon. Marami pa akong ginagawa. Ang uunahin ko ay paniguraduhing ligtas ang aking mga web site laban sa mga hackers, spammers, at iba pang masasamang loob. Hindi pa naman ako naha-hack pero iba pa rin ang handa. Ang hindi ko lang mapigilan ay ang mga pagnanakaw ng ibang tao...
Sa mga hindi nakakaalam, ako ay crew sa Day Dream Graphics. Ako yung isa sa mga nagpoproseso ng mga disenyo na isinusumite roon at sinusumite ko rin minsan doon ang aking mga disenyo. Anyways, meron ba namang nag post *ahem*Acky*ahem* sa board ng DDG na humihingi ng tulong tungkol sa "ginawa" niyang disenyo. Nagkaproblema siya dahil may malaking "butas" ang "ginawa" niya. Dapat kasi may kulay ang background pero hindi nya magawang lagyan ng kulay. Si John ang nakakita at sinabi niya sa akin na kamukha ng disenyo ko ang "ginawa" ng taong iyon. Iniba lang niya ang mga larawan at pinapangit.
Tatanga-tanga pala siya e! Kung magnanakaw siya, siguraduhin niyang hindi alam ng nanakawan nya! Ang kapal ng pagmumukha! Doon pa talaga siya humingi ng tulong sa lugar na namumukhaan ng mga ibang miyembro ang mga gawa ko. E di bistong bisto siya!
Reply naman ako sa thread ni niya at ibinigay ko ang link ng orihinal na disenyo. Sinabi ko pa na bigyan nya ako ng credit. Nag-PM naman siya sa akin at humihingi ng paumanhin. Sabi pa nya, gusto daw nya ang aking mga disenyo at marami siyang na-download na gawa ko. Kaya nung "ginawa" niya ang disenyong iyon, parang "subconsciously" naalala daw niya ang aking gawa. Talaga lang, hah?!?
Hmph! Tinanggal na rin nya ang kanyang "ginawa". Halatang guilty!
Hindi ko na nga lang papansinin.
Maiba naman ako, nakabundol ako ng Revo noong nakaraang Martes. Wala namang nasaktan. Nagasgasan lang ng kaunti ang aming mga sasakyan at ang aking pride. Pero... Hindi ko aakalaing madadagdag ang "wreckless driver" sa aking mga katangian. Nakakalungkot... Patawad po... 
Telepantasyang Walang Kabuluhan
[ 3 Komento - Telepantasyang Walang Kabuluhan ] Pumutak si Miko Reznor noong 11.05.2005 1:00 NU
Nauuso dito sa Pilipinas ang mga telepantasya. Dati, mga Meksikano ang sinusubaybayan. Pinangunahan ni La Traidora na mali-mali naman ang pag-dub. Nakabuka pa ang kanilang mga bunganga pero wala namang sinasabi. Naalala ko pa noon, nagpapagupit ako sa Ricky Reyes, puro Marimar lang ang pinapatugtog ng paulit ulit. Nakiki-AAW! pa ang mga bakla doon. Nakakabingi.
Sumunod naman ang mga Tsino o Koreano. Malay ko kung ano'ng lahi nila. Basta singkit. Meteor Garden etchos. Hindi ko man lang pinanood iyon. 'Di ko type mga Intsik. Hmph!
Kaya wala ako masyadong masabi sa kapanahunan ng kanilang kasikatan.
Ngayon, mga kapwa Pilipino naman ang tinututukan. Binalik si Darna sa katauhan ni Angel Locsin. Ang masasabi ko lang, wala siyang ibubuga kay Ate V hindi lang dahil sa mas magaling umarte ang beteranang aktres kundi dahil mas maganda siyang tingnan sa costume ni Darna. Hindi maipagkakaila na ayos din ang katawan ni Angel. Siya pa nga raw ang ibinotong pinaka-sexy sa FHM Magazine. Meron siyang hinaharap na pwede niyang maipagmalaki. Pero... Ang kanyang likuran... Nasaan na?!? Diretsong diretso. Tsk, tsk...
Sino ba ang nagsusulat sa script nila? Meron pa siyang kalaban na tinatawag na Babaeng Impakta (kinuwento lang sa akin ito kaya pasensya kung mali at huwag nyo na lang pansinin ang taludtod na ito). HU-WHAAAT?!? Babaeng Impakta?!? Hindi ba't babae na nga ang "impakta"? Bakit pa nila dadagdagan ng "babaeng" sa unahan? Hindi ko maintindihan!!! Parang sinabi na rin nilang Lalakeng Impakto! Marunong bang managalog ang mga manunulat nito?!?
Ako lang ito pero talagang naiinis ako sa pagmumukha ni Alesandra De Rossi. Siya ang gumaganap na Valentina. Mukha siyang yagit! At pinagpipilitan pa nilang pagandahin! Pweh! Nabalitaan kong gumanap siya bilang katulong o DH na minumulto sa Singapore. Ganoon ang bagay sa kanyang mga papelan! Huwag na siyang damitan ng maganda kung hindi naman talaga maganda (tinutukoy ko ang taong anyo niya at hindi ang Babaeng Ahas).
Sa Enkantadia naman, nagulat ako noong malaman ko na si Lira ay anak ni Amihan at Ibrahim na mag-pinsan. Ano itoh? Inbreeding?!? Kaya pala may pagkahina sa utak itong si Lira. Hindi ba ganoon iyon? Kung magkakamag-anak ang nagpapadagdag sa kanilang lahi, magkakaroon ng mga "pagkukulang" ang kanilang magiging anak. Nyak! Kakakilabot naman! 
Puro Kapuso ang nililibak ko. Kasi naman, iyon ang mga pinapanood ng aking mga kasambahay. Kinukwento lang nila sa akin ang mga pangyayari. Minsan ko lang nasilayan ang mga palabas na ito. Sa tingin ko, mga 2 o 3 kabanata lang ang aking nakita. Sinayang ko lang ang oras ko sa panonood ng mga ito. Napakapangit ng kanilang pag-arte! O, sige. Hindi naman silang lahat pero halos mabibilang mo lang sa isang kamay ang mga mukhang kapani-paniwala. Yung iba... Parang gusto mong sabihin, "Ows, talagah?!? Mukhang hindi, eh!" Saan ba napulot ang mga "artistang" iyan?!? Siguro kulang ang sahod nila kaya kulang din sila sa acting.
Napansin kong mas maayos ang pag-arte ng mga Kapamilya pero mas malakas pa rin ang Kapuso. Siguro dahil mas interisante ang kanilang mga plot. Sino ba namang magkakagustong manood ng palabas na may titulong Kumpanerang Kuba? Sa salitang "kuba" pa lang mapapangitan ka na. Ano ba'ng iniisip nila?!?
Haaayy... Ano na nga ba ang nangyayari sa industriya ng showbiz dito sa Pilipinas? Bagsak! Kailangan talaga nilang magbago... Huwag silang kuha ng kuha ng "artistang" hitsura lang ang pambato. Bago sila magsulat ng istorya, magsaliksik sila kung ano ang gustong mapanood ng mga Pilipino. Alamin nila kung tungkol saan ang mga binabasang libro ng karamihan para meron silang ideya kung saan interisado ang mga tao... Ilan lang iyon sa pwede nilang gawin... Ginagawa ba nila ito? Kaya naman mas sikat ang mga palabas ng dayuhan sa atin... Nakakalungkot... 
Putakan Nanaman!
[ 0 Komento - Putakan Nanaman! ] Pumutak si Miko Reznor noong 11.03.2005 11:40 NH
Tagal ko na ring hindi nakakaputak. Wala rin naman kasi akong masyadong maikwento. Hrmmm... Binago ko nanaman ang coding para sa PUTAK. Napansin ko kasi na sa iba kong mga web site, inaatake ako ng mga bots at mga taong walang magawa sa buhay kundi mag spam. Ngayon, naglagay ako ng anti-bot/spam script. Sana gumagana siya.
Nagdagdag din ako ng RSS feeds. Ang ginagawa nito ay ipapaalam sa mga nag subscribe sa PUTAK kung mayroong bagong artikulo na isinulat. Lupit, diba? Ito ang papalit sa mga newsletters balang araw. Bago lang kasi ito kaya hindi pa siya sinusuportahan ng karamihan. Kung gumagamit pa kayo ng Opera browser, pinapadali nito ang pagbasa sa mga ito.
Natutuwa nga ako sa lahat ng aking nagawa. Alam nyo naman na ako lang ang natuto ng pag code ng mga web site. Ang tumulong lang sa akin ay ang pagbabasa ng mga online tutorials at libro. Kita nyo naman ngayon, may mga taong nagsasabi sa akin na inspirasyon daw nila ako. Bwahahahahah! Kakaaliw talaga :P
Hay nako. Napanood ko sa balita kanina na ang kaguluhan ng mga kabataan sa France ay hindi pa rin natatapos. Naghahasik sila ng lagim doon sa pamamagitan ng pagbabato sa mga bagay-bagay at mga tao. Nanununog din sila ng mga bahay at kotse. Dahil daw sa "matinding kahirapan" kaya sila nagkakaganon. Hmph! Magtigil nga sila diyan! Pumunta sila dito para makakita sila ng tunay na kahirapan! 
Iniimbitahan ko nga pala kayong bumoto sa Second Annual Blinding Light Web Awards. Ang pagboboto ay matatapos sa ika-30 ng Nobyembre. Ilalantad ang mga nanalo sa ika-2 ng Disyembre na siya ring ikalawang anibersaryo ng Blinding-Light.COM. Kaya bumoto na kayo ngayon! Salamat!
Lumang Putak
« Bumalik | 35 | 36 | 37 | 38 | 39 | 40 | 41 | 42 | 43 | Nakaraan »